Bangkay ng PopCom head, 2 pa nahukay sa paanan ng tulay sa Barangay Maculcol, San Felipe, Zambales
Tatlong bangkay ang nadiskubre ng pulisya na nakalibing sa
iisang hukay malapit sa tulay ng Barangay Maculcol, San Felipe, Zambales noong
Huwebes nang umaga.
Kinilala ni Zambales Provincial Police director senior Supt.
Cosme Abrenica ang mga biktimang sina Norman Montevirgen, 64, Population
Commission head ng Zambales, residente ng Brgy. Pagatpat, Sta. Cruz, Zambales;
Darel Olipane, 18, ng Purok 3, Brgy. Amungan, Iba, Zambales; at Gerald Laborce,
24, ng San Agustin, Iba, Zambales.
Sina Olipane at Laborce ay iniulat na nawawala simula pa
noong Hulyo 21 ng Iba Police Station.
Ang mga ulo at mukha ng mga biktima ay binalutan ng
packaging tape, gayundin ang mga kamay. Walang nakitang bakas ng dugo sa
katawan ng mga biktima na palatandaan na ang mga ito ay hindi binaril o
sinaksak.Unang sinabi ni Police Inspector Cla Devara, San Felipe PNP
Officer-in-charge na walang pagkakakilanlan sa mga biktima ngunit sinabing ang
unang biktima ay nakasuot ng itim na T-shirt at itim ng short; ang pangalawa ay
nakasuot ng blue long sleeve at beige jersey short; samantalang ang pangatlo ay
nakasuot ng long sleeve shirt striped na may blue color, belt na may scorpion
logo at black six-pocket short pants.
Ayon sa ulat, dakong ika-7:50 nang umaga, habang nagpapastol
ng kanyang alagang baka, nakita ng isang residente na naghuhukay ang kanyang
aso sa isang panig malapit sa tulay ng Maculcol.
Nang kanyang suriin ay nakita ang bangkay ng tao na
kalahating nakabaon. Kanya itong iniulat sa pulisya.
Nang maiahon ng pulisya ang unang bangkay ay nadiskubre pa
ang dalawang magkapatong na bangkay sa naturang hukay.
Credit to Abante News
0 comments: